Mga Cebuano, tagumpay sa BVR on Tour sa Cebu

ABS-CBN News

Posted at Mar 14 2018 12:14 PM

Nakamit ng Team Ato Ni Bai ang ikalawang sunod na panalo sa BVR on Tour.

MANILA, Philippines – Ipinamalas ng mga Cebuano ang kanilang lakas sa ikatlong bahagi ng BVR on Tour noong Marso 10 at 11 sa Beach Placid Resort, Sta. Fe, Bantayan Island sa Cebu.

Tagumpay sina Jade Becaldo at Calvin Sarte ng Team Ato Ni Bai sa men's division, pagkatapos nilang patumbahin ang pares ng University of Visayas na sina Kevin Juban at Raphy Abanto, 21-10, 21-15.

Samantala, kinumpleto nina Alexa Polidario at Erjane Magdato ng Team UNO-R1 ang pagwalis ng mga Cebuano sa buong torneo nang talunin nila ang Team Wakanda nina Dzi Gervacio at Kassie Gormley, 21-10, 21-13.

Ito na ang ikalawang sunod na leg na naipanalo ng Team Ato ni Bai sa taong ito. Samantala, ito naman ang unang panalo ng UNO-R1 ngayong 2018. Nanalo rin sila sa kanilang bayan noong nakaraang taon.

Nag-uwi ang mga kampeon ng tig-P40,000, habang pinangalang Most Valuable Player sina Sarte and Magdato.

Ayon kay Bea Tan, na isa sa nagtatag sa Beach Volleyball Republic, prayoridad ng BVR na makarating sa timog na bahagi ng bansa. 

"Swerte kami na magawa ang ikatlong leg sa Cebu kung saan mas madali para sa mga koponan mula sa Visayas at Mindanao na makasali. Sa pagdala ng BVR On Tour sa kanila, nabibigyan natin ang lahat ng oportunidad na makapaglaro at makalaban sa beach volleyball," ani Tan.

Ang ika-apat na leg ng BVR on Tour ay magaganap sa Tondaligan Beach, Dagupan, Pangasinan sa darating na Abril 6 hanggang 8.

Samantala, patuloy na makakapanood ang fans ng mga nakaraang laro ng beach volleyball sa pagbisita sa www.youtube.com/abscbnsports.

Para sa iba pang balitang pampalakasan, pumunta sa website ng ABS-CBN Sports.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.