PBA: Nami-miss nga ba ni Jayson Castro si ‘kuya’ Ranidel sa TNT?

ABS-CBN News

Posted at Feb 15 2018 05:44 AM | Updated as of Feb 15 2018 07:51 AM

Habang nagtatatalo ang TNT, tila di napigilan ni Jayson Castro na balikan ang mga panahong kakampi pa niya si Ranidel de Ocampo.

Ayon kay PBA courtside reporter Apple David, kuwento umano ni Castro sa kaniya ang pagkaka-"miss" niya kay de Ocampo, na kasanib-puwersa niya sa ilang kampeonato.

"Alam naman namin kung paano kami manalo, tiwala kami sa sistema. Sadyang kulang lang kami sa personnel. These are the words of Jayson Castro and this makes him miss his kuya, his brother, his teammate, Ranidel de Ocampo," ulat ni David sa TV coverage ng TNT-GlobalPort Miyerkoles ng gabi.

Ibinahagi ni David ang kuwento ni Castro habang naghahabol ang TNT kontra GlobalPort. Tinambakan ng GlobalPort ang TNT, 99-84, para sa ikatlong sunod na talo ng KaTropa.

Dagdag ni David, inamin umano sa kaniya ni Castro na "nag-a-adjust pa siya sa life without Ranidel pero dagdag niya, ie-embrace na lang niya ang pressure."

Puno ng beterano ang koponang TNT bago i-trade nito si de Ocampo sa Meralco at si Larry Fonacier sa NLEX noong nakaraang taon.

For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website.