'Wasak-wasak': 10 Pinoy, apektado ng pagsabog sa Italy

Jackie de Vega, ABS-CBN Europe News Bureau

Posted at Aug 09 2018 10:46 PM

Napektuhan ang pagsabog ng isang fuel tanker ang tatlong Pilipinong pamilya sa Bologna, Italy nitong Lunes. Jimmy dela Cruz

Sampung tao mula sa tatlong pamilyang Pilipino ang naapektuhan ng malakas na pagsabog sa Bologna, Italy nitong Lunes ng hapon, ayon sa Philippine Consulate General sa Milan.

Naunang naiulat na 2 pamilyang Pilipino ang apektado matapos salpukin ng isang fuel tanker ang nasa harapan nitong truck.

Kinilala ang mga pamilyang apektado na Dela Cruz, Des-ono, at Chua. Apat sa kanila ay mga menor de edad; 2 ay mga sanggol.

Sa panayam kay Jimmy dela Cruz, isa sa mga naapektuhan, napauwi siya nang wala sa oras matapos makatanggap ng mga tawag mula sa kanilang kapitbahay.

"Kaya nga nung dumating ako, ayaw pa ng pulis na papasukin ako. Nagdahilan lang ako na kukunin ko ang cellphone ko pero gusto ko lang malaman na makita ang bahay. Pumasok nga ako ay wasak-wasak ayun, wala na," aniya.

Aabot ng 300 metro ang layo ng gusali ng kanilang apartment mula sa highway. 

Sa lakas ng impact ng pagsabog, kasamang napinsala ang karamihan sa mga apartment na nakaharap dito. Dagdag pa rito ay ang mga sumabog na mga kotse ng 2 auto dealership na nasa sa baba lang ng kanilang building.

"Lahat ng salamin, yung mga taparella eh wasak kaya kalat ng salamin sa loob ng bahay, kaya punong-puno ng salamin, kaya di pwedeng... at pinagbawal ng mga pulis na wag kayong pumasok dahil 'pericoloso' sa amin," ani dela Cruz.

Nakatakda sanang magbakasyon ang mag-asawa ngayong Biyernes. Imbes na makapag-relax ay kailangan nilang harapin kung paano masosolusyunan ang naging pinsala sa bahay. 

Pansamantala pa rin silang naninirahan sa hotel na inilaan ng lokal na gobyerno.

Naapektuhan ng pagsabog ng isang fuel tanker ang tatlong Pilipinong pamilya sa Bologna, Italy nitong Lunes. Jimmy dela Cruz

Dinalaw naman ang mga naapektuhang Pilipino ng Konsulado ng Milano kasama sina Vice Consul Awee Dacanay, OWWA Welfare Officer Jocelyn Hapal at Assistance To Nationals Officer Sylvia de Guzman. 

Sinigurado nila na handa ang Konsulado na magbigay ng tulong sa kanila. Pati rin ang ilang grupo ng Filipino community nagpaabot ng tulong.

Kinumpirma naman ng Protezione Civile o Office of Civilian Protection sa Konsulado ng Pilipinas sa Milano na walang Pilipinong nasaktan sa pagsabog. 

Samantala, binago ng pulisya ng Italya ang bilang ng namatay. Kinilalang si Andrea Anzolin, ang driver ng fuel tanker, lamang ang nasawi at tumaas sa 145 ang bilang ng nasaktan sa insidente. 

Karamihan sa kanila ay nagtamo ng skin burns at sugat mula sa mga nagtalsikang mga salamin at ibang bagay dala ng pagsabog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.