Pinay chef sa Malaysia, niregaluhan ng P12,000 ticket para sa laban ni Pacquiao

Karl Cedrick Basco, ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2018 06:23 PM | Updated as of Jul 11 2018 07:51 PM

Labis ang tuwa ni Ezhra Forasteros nang makatanggap ng regalo na ticket para sa laban ni Manny Pacquiao sa Malaysia. Kuha ni Ezhra Forasteros

KUALA LUMPUR -- Halos 20 taon nang masugid na taga-hanga si Ezhra Forasteros ng Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao. At sa loob ng dalawang dekadang panatiko, hanggang sa TV lamang niya napapanood ang mga laban ni Pacquiao.

Ngunit sa darating na Linggo, Hulyo 15, masasaksihan na niya ng live ang iniidolo sa boksing dahil sa natanggap na ticket para sa bakbakang Pacquiao kontra Lucas Matthysse -- isang pangarap na matutupad dahil sa mga kaibigang OFW sa Malaysia. 

Sa kaniyang ika-36 na kaarawan noong Hunyo 17, nagdiwang si Forasteros, o kilala sa tawag na "Jiji", kasama ang mga kaibigan. Sa araw din na iyon, iniabot ng kaniya ng mga kasamang Pinoy sa Malaysia ang regalong akala niya ang birthday card lamang. 

"Gusto ko talaga bumili ng ticket [para sa laban ni Pacquiao]. Pero nung June 17, birthday ko, 'yung kaibigan ko sinorpresa nila ko. Binilhan nila ako ng ticket," kuwento ni Jiji sa ABS-CBN News. 

Nakapaloob sa malaking sobre ang isang silver ticket na nagkakahalaga ng 988 Malaysian ringgit o P12,800 sa Pilipinas. 

Watch more in iWantv or TFC.tv

Kuha ni Ezhra Forastero

Walong taon nang nagtatrabaho si Jiji bilang chef sa Kuala Lumpur. Galing sa Antique, lumaki ang OFW sa Laguna bago naisipang magtrabaho sa ibang bansa. 

Umalis man ng bansa, bitbit ni Jiji ang lubusang paghanga kay Pacquiao na 2nd year high school pa lamang ay sinusubaybayan na niya. 

Ayon sa kanya, bata pa lamang siya nahiligan na niya ang manood ng boksing lalo pa't masugid na tagasubaybay ang kaniyang ama sa isport. 

"[Kahit sa TV lang] kinakabahan ako sa laban ni Pacman. Napapasigaw na rin. Nadidismaya rin kapag natatalo," saad ni Jiji.

Walang laban ni Pacman na pinalampas si Jiji sa telebisyon kaya naman labis ang kaniyang tuwa na sa wakas masisilayan na niya ang boksingero sa ibabaw ng ring. 

"Last year, kahit nagtatrabaho sa resto, nakatutok talaga ako. Talo siya doon. Pumusta ako konti lang," pagbabahagi ni Forasteros.

Gustong-gusto aniya si Pacquiao dahil nakikita nito ang pagiging mapagkumbaba ni Pacman kahit kilala na ito sa buong mundo.

Hindi na rin aniya siya mapalagay habang papalapit ang laban. Sa katunayan, mula nang mahawakan niya ang ticket mula sa kaniyang mga kaibigan, hindi na mawala sa isip nito ang pagpunta sa Axiata Stadium kung saan nakatakdang gawin ang sagupaan. 

Kasama niyang manonood ang iba pang kaibigang Pilipino at iba pang katrabahong ibang lahi at tiwala siyang mananalo sa kumbinsidong paraan ang People's Champ.

"Siyempre may tiwala ako kay Sir Manny, kaya 'yan. Mananalo 'yan. Mapapatumba [si Matthysse] tiwala ako. Mga 4 rounds lang," prediksyon nito sa magiging laban.

Sa Linggo, maagang babangon si Jiji kahit day off niya sa trabaho, dahil sa unang pagkakataon, bitbit ang itinatagong bandila ng Pilipinas sa tinutuluyan sa Malaysia, mapapanood niya si Pacquiao na lumaban sa ibabaw ng lona. 

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website