Pagbawi sa Kuwait total deployment ban, 'epektibo agad'

ABS-CBN News

Posted at May 17 2018 05:57 PM | Updated as of May 17 2018 11:49 PM

Dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang mga overseas Filipino worker noong Pebrero 12, 2018 matapos ma-repatriate mula Kuwait. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

Nilagdaan nitong Huwebes ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang kautusang pormal na nag-aalis sa total deployment ban ng mga manggagawang Pinoy sa Kuwait.

Sa panayam, sinabi ni Bello na agad magiging epektibo ang kautusan.

Kasunod ito ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Miyerkoles, Mayo 16, na alisin na ang deployment ban, na ipinataw noong Pebrero bunsod ng serye ng mga ulat hinggil sa mga pang-aabuso at pagkamatay ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa naturang Gulf state.

Ayon kay Bello, nasa 5,000 Pinoy ang may nakahanda nang mga dokumento para makalipad at makapagtrabaho sa Kuwait.

May 15,000 naman ang kasalukuyang pinoproseso pa ang kanilang mga dokumento.

Pero para sa ibang Pinoy na nasa Kuwait, sana ay hindi muna tinanggal ang ban habang hindi pa nalulutas ang mga kaso ng pang-aabuso sa ilang OFW doon.

Nagpasalamat naman ang mga kinatawan ng mga manpower recruitment agency sa pangulo dahil makakapagpadala na ulit sila ng mga manggagawa sa Kuwait.

Ipinag-utos ni Duterte ang pag-alis sa deployment ban matapos irekomenda ni special envoy to Kuwait Abdullah Mama-o.

Sa panayam ng ABS-CBN News, ipinaliwanag ni Mama-o na inirekomenda niya ang pagbawi sa deployment ban dahil sa nakitang "sincerity" at "commitment' mula sa mga opisyal ng Kuwait.

"I had seen the sincerity and commitment of the leaders of the State of Kuwait to protect and enforce strictly the terms of the memorandum of agreement that was signed by our government and the state of Kuwait," sabi ni Mama-o. 

(Nakita ko ang sinseridad ng mga pinuno ng Kuwait para tiyaking maipatutupad ang mga napagkasunduan ng Pilipinas at Kuwait.)

Noong Biyernes, Mayo 11, ay nilagdaan ng mga gobyerno ng Pilipinas at Kuwait ang isang kasunduang naglalayong bigyan ng proteksiyon ang mga OFW sa Kuwait.

Isa ito sa mga kondisyong inilatag ng pangulo para alisin ang ban, bukod sa paghahanap ng hustisya para kay Joanna Demafelis, isang household service worker na natagpuang bangkay sa loob ng isang freezer sa Kuwait.

Sa unang pagdinig ng kaso ni Demafelis noong nakaraang buwan, sinentensiyahan agad ng bitay ang mag-asawang suspek.

Bago rin iutos ng pangulo ang tuluyang pagbawi sa ban, una nang binawi ang deployment ban nitong Martes, Mayo 15, sa skilled at semi-skilled workers na patungong Kuwait.

Inanunsiyo rin ni presidential spokesperson Harry Roque noong Mayo 12 na bumalik na sa normal ang relasyon ng Pilipinas at Kuwait matapos magkaroon ng hidwaan dahil sa kontrobersiyal at hindi awtorisadong pagsaklolo ng ilang tauhan ng embahada ng Pilipinas sa mga inabusong OFW.

Ikinagalit ng Kuwait ang pangyayari at itinuring itong paglabag sa kanilang soberaniya, dahilan para mapalayas ang dating ambassador doon na si Renato Villa.

-- May ulat nina Michael Delizo, Apples Jalandoni, at Maxxy Santiago, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.