7 arestado dahil sa pekeng pera

ABS-CBN News

Posted at Dec 08 2017 02:30 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Pito ang arestado sa Baguio at North Cotabato matapos mambiktima gamit ang pekeng pera.

Nagtangkang manloko ang isang lalaking bibili sana ng gamit sa isang mall sa Baguio City gamit ang mga pekeng P50. 

Pero nagpapasalamat ang tinderang si “Angel” dahil napag-alaman niyang peke ang pera dahil sa pare-parehong numero nito. 

Agad na inireport ni Angel ang insidente sa mga security guard ng mall na siyang tumawag sa mga pulis.

Inaresto ang lalaki na kinilalang si John Michael Damian, 30 anyos.

Nakumpiska sa kaniya ang 15 piraso ng pekeng P50.

Ayon sa suspek, nakuha niya lang sa kaibigan ang pekeng pera.

Nagsagawa naman ng follow-up operation at nakipagkita ang taong pinagkukuhanan ng suspek ng pekeng pera.

Kinilala siyang si Dennis Ku, 39 taong gulang.

Nakuha mula sa kaniya ang 20 piraso ng pekeng P50 o may kabuang halaga na P1,000.
 
Tumanggi na siyang magbigay ng pahayag.

Sa Midsayap, North Cotabato naman, arestado ang limang lalaki matapos mahuling gumagamit ng pekeng pera sa pagbili sa palengke. 

Nakuha sa kanila ang pekeng pera na may kabuuang halaga na P209,000, 30 piraso ng improvised security thread, iba pang gamit na panggawa ng pekeng pera, at listahan ng kanilang mga target na bibiktimahing lugar.

Binigyan naman ng tips ang mga tindera upang matukoy kung peke ang pera.
    
Isa sa mga paraan ang paghipo sa texture ng papel nito. Magaspang ang orihinal na pera habang madulas ang pekeng pera. 

Kailangan ding may watermark ang kanang bahagi ng mga papel ng pera at dapat na may naaaninag na security thread.

-- Ulat ni Justin Aguilar, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.