Higit P1-M halaga ng marijuana, nasabat sa Mt. Province

Justin Aguilar, ABS-CBN News

Posted at Dec 07 2017 03:52 PM

Inaresto ng awtoridad ang 16 katao, kabilang ang apat na menor de edad, matapos na mahulihan ng marijuana sa loob ng kanilang van nitong Lunes sa Sabangan, Mt. Province.

Nasa kustodiya na ng Department of Social Welfare and Development ang mga bata, habang ang 12 naman ay kinabibilangan ng dalawang Amerikano at isang Nigerian.

Lunes ng gabi nang makatanggap ng tip ang mga miyembro ng Sabangan Municipal Police Station na may van mula Buscalan, Tinglayan, Kalinga na biyaheng Baguio City ang may bitbit na mga kontrabando. 

Agad na naharang ang van ng mga suspek sa checkpoint sa Sabangan.

“Ngayon, kino-ordinate nila sa PDEA (Philippine Drug Enforcement Agency). And then, nung approaching na yung sasakyan, pinahinto nila kasi nga, nag-match doon sa tip. Nung visual inspection, may naamoy sila,” sabi ni Chief Inspector Carolina Lacuata.

Nasamsam mula sa bagahe ng mga suspek ang 56 na hinihinalang marijuana bricks, apat na bundle ng marijuana stalks, at isang plastic ng dinurog na marijuana. Ayon sa Police Regional Office Cordillera (PROCOR), may kabuuang bigat itong 42,625.4 grams at nagkakahalaga ng P1,065,635.

Nakakulong na ngayon ang mga suspek sa Provincial Jail ng Mountain Province at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Nasa kustodiya naman ng Regional Crime Laboratory ang mga nasamsam na droga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.