Bangkay ng isang lalaki natagpuan sa Lipa

Fay Virrey, ABS-CBN News

Posted at Dec 07 2017 05:59 PM

Natagpuang wala nang buhay ang isang lalaki sa Barangay San Jose, Lipa City nitong Miyerkoles. Kuha ng Lipa City Police

LIPA CITY—Natagpuan ang isang bangkay ng lalaki sa masukal na bahagi ng Barangay San Jose dito nitong Miyerkoles ng umaga.

Wala pang pagkakakilanlan ang natagpuang lalaki at lumabas sa imbestigasyon na ito’y namatay dahil sa mga natamong tama ng bala. 

Ayon sa pulisya, may mga natagpuan ding basyo ng bala malapit sa crime scene. Pero wala umanong nakarinig na may nagpaputok ng baril sa lugar.

"Accordingly, ayon doon sa medyo malapit na kabahayan doon, wala naman silang naririnig na putok ng baril,” ani Police Chief Insp. Eduardo Caraig, deputy chief ng Lipa City Police.

Walang ibang pagkakakilanlan ang lalaki maliban sa suot nitong maroon na t-shirt, green na shorts at malaking sugat sa kanyang paa.

Nananawagan ang pulisya sa mga posibleng kaanak ng biktima na dumulog sa kanilang himpilan para sa karagdagan pang impormasyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.