2 lalaking nahulihan ng pekeng pera, arestado

ABS-CBN News

Posted at Dec 07 2017 05:24 PM

BAGUIO CITY – Nabuko ang modus ng isang lalaki matapos na mahuli siyang gumagamit ng pekeng pera bilang pambayad sa mga biniling paninda, Martes ng gabi.

Nakunan pa ng CCTV ng mall ang insidente kung saan napansin ng tinderang si alyas Angel na kakaiba ang perang inabot sa kanya ng suspek na si John Michael Pamittan Damian, 30-anyos.

“Nung binigay niya sa akin yung cash niya, puros siya 50. Tapos yung sa ibabaw pa lang, naramdaman ko na na fake siya. Iisa lang po yung serial number niya, pare-pareho siya lahat. Yung sa 15 pieces na yun, iisa lang yung number. Saka kapag tiningnan mo sa ilaw, wala siyang (lumilitaw na) tao sa pinaka-kanan,” kuwento ni Angel.

Agad na ipinagbigay-alam ni Angel ang insidente sa security guard ng mall na siya namang tumawag sa pulis.

Nakuha mula kay Damian ang 15 piraso ng pekeng P50 na may kabuuang halaga na P750.

“Parang nagkamali lang po. Hindi lang po na-expect, peke pala yung pera,” ani Damian. Binigay lamang raw ito ng isang kaibigan.

Nakipagkita ang awtoridad sa kaibigan ni Damian na nagbigay sa kanya ng pekeng pera. Nakuha rin mula kay Denis Ku, 39-anyos, ang 20 piraso ng pekeng P50 o may kabuuang halagang P1,000. Tumanggi siyang magbigay ng pahayag sa media.

Nakakulong ngayon ang dalawa sa Baguio City Jail sa kasong paglabag sa Article 168 ng Revised Penal Code of the Philippines.

Payo naman ng awtoridad sa publiko na kilatising mabuti ang perang natatanggap.

Ilan sa mga paraan para matukoy kung peke ang pera ay ang paghipo sa tekstura ng papel nito. Magaspang ang orihinal na pera habang madulas ang pekeng pera. Kailangang may watermark ang kanang bahagi ng mga papel ng pera at dapat na may naaaninag na security thread.

Dinala na sa Central Bank sa La Union ang mga nakumpiskang pekeng pera.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.