10 kilo ng shabu nasamsam sa Ozamiz City

ABS-CBN News

Posted at Dec 07 2017 12:41 PM

OZAMIZ CITY - Sampung kilo ng hinihinalang shabu ang nasamsam ng awtoridad mula sa pitong bahay ng umano'y mga taga suporta at kamag-anak ng pamilya Parojinog sa Ozamiz City sa Misamis Occidental nitong Miyerkoles ng gabi.

Sa ulat ni Chief Inspector Cipriano Bazar Jr., ng Region 10 Tactical Operations Command, ang Ozamiz City Police station ang nanguna sa operasyon bitbit ang search warrant sa mga tahanan ng mga inarestong suspek na sina Melodina at Gaudencio Malingin.

Walong plastic bags na naglalaman ng 8 kilo ng shabu at isang rolled aluminum foil ang nakuha mula sa mga Malingin. Ang mga Malingin ay magulang ng una nang naarestong suspek na ni Melden Rabanes, pinsan umano ni Parojinog.

Karagdagang 2 kilo ng hinihinalang shabu ang nakuha din mula sa bahay ni Michelle Gumapac.

Bukod sa droga, nakakita din ang awtoridad ng mga litrato ng mga pulis na kasama noon sa pagsalakay sa bahay ni Gumapac noong 2016. Naniniwala ang awtoridad na ipapapatay ang mga naturang pulis. May nakuha din na diary na naglilista umano ng mga naipapatay nang mga tao at isang airsoft na baril.

Mula naman sa dalawang bahay ni Artem Salas nakuha ang isang M203 grenade launcher, granada at kalibre .45 at isang vault.

Isa pang M203 grenade launcher, M16 na rifle at mga bala ang nakuha naman ng awtoridad mula sa bahay ni Manuel Francisco.

May M16 rifle, mga bala at uniporme ng Armed Forces of the Philippines din ang narekober mula sa bahay ni Ricardo Parojinog.

Tinatayang nasa P80 milyon ang halaga ng iligal na droga ang nasamsam ng awtoridad sa raid.

Ayon kay Ozmiz City Police Chief Jovie Espenido, may 86 kilo ng shabu ang di umano'y pagaari ni dating Vice Mayor Nova Princess Parojinog, pero 14 kilo lamang nagawang marekober ng awtoridad.

Nito lamang Martes, nasa P30-milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nasabat mula sa kamaganak at empleyado ni Nova sa Ozamiz City.

Nadakip ng awtoridad ang driver at bodyguard na si Butch Merino sa isang checkpoint sa Barangay Bacolod dahil wala itong suot na helmet habang naka-motor.

Dito na nadiskubre na may dala siyang kalibre .38 baril at isang kilo ng shabu sa loob ng kanyang backpack.

Sa follow-up operation naman bumagsak si Rabanes at Rosielyn Walohan na nahulihan din ng isang kilo ng shabu. May ulat nina Henry Atuelan, DZMM at Dynah Diestro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.