Taxi driver, patay matapos barilin sa loob ng bahay sa QC

Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Posted at Nov 15 2017 06:05 AM

Patay ang isang taxi driver matapos barilin sa loob ng kanyang bahay sa Barangay Batasan Hills, Quezon City Miyerkules ng madaling araw.

Kinilala ang biktima na si Edrian Galang, 39, na nagtamo ng tama ng bala sa batok.

Ayon sa kinakasama niyang si Zaineth Nismal, pumasok ang gunman sa kanilang bahay at ginising pa ang biktima bago barilin.

Inilarawan ni Nismal ang gunman na may katabaan, naka-shorts, at may suot na jacket na naglakad lang paalis matapos ang pamamaril.

Katabing natutulog ng biktima ang kanyang tatlong anak at ang kinakasama nang mangyari ang pamamaril pasado alas-2 ng madaling araw.

Hinala ni Nismal na may kinalaman sa ilegal na droga ang motibo sa krimen.

Noong nakaraang taon, nag-positibo umano ang biktima sa isinagawang drug test ng awtoridad.

Dalawang taon nagtrabaho bilang backhoe operator si Galang sa Riyadh, Saudi Arabia. Bumalik siya sa bansa noong 2008 para mamasada ng taxi.

Ayon kay Nismal, balak sana ni Galang na bumalik sa abroad para magtrabaho dahi mahina ang kita sa pamamasada.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.