NPA, inako ang pagdukot ng 2 pulis sa Surigao

ABS-CBN News

Posted at Nov 15 2017 04:14 AM

Inako ng New People's Army ang responsibilidad sa pagdukot ng dalawang pulis sa bayan ng Placer, Surigao del Norte Lunes ng hapon.

Sa pahayag sa telepono kay Ka Oto, tagapagsalita ng NPA Guerilla Front Committee 16, binihag nila ang mga pulis dahil sa pagkakasangkot nila sa illegal drugs at extortion.

Ang dalawang pulis na kinilalang sina PO2 Alfredo Degamon Jr. at PO2 John Paul Doberte ay nasa mabuting kalagayan at hawak ngayon ng custodial force ng NPA, dagdag ni Ka Oto.

Depensa naman ng Police Regional Office sa Caraga na propaganda lamang ito ng NPA at walang katotohanan ang kanilang alegasyon.

Bumuo na ng crisis management team ang lokal na pamahalaan ng Placer para sa gagawing negosasyon sa pagpapalaya sa dalawang bihag na pulis.

Kinasuhan na rin ng kidnapping ang dalawang driver sa sinasakyang van ng armadong grupo na dumukot sa mga biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.