ASEAN lane tanggal na, mga kalsadang isinara para sa ASEAN Summit bukas na

ABS-CBN News

Posted at Nov 15 2017 01:36 PM | Updated as of Nov 15 2017 03:55 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

MANILA - Bukas na muli sa mga motorista ang lahat ng bahagi ng EDSA matapos tanggalin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Miyerkoles ang ASEAN lanes. 

Ayon kay MMDA spokesperson Celine Pialago, binuksan na rin nila ang mga kalsadang isinara sa Roxas Boulevard at iba pang lugar dahil sa pagdaraos ng katatapos lang na Association of Southeast Asian Nations Summit. 

"Ang ASEAN lane po sa EDSA is now finally terminated, kasama na rin 'yung pagbubukas ng Roxas Boulevard and other locked down areas. Back to normal na po tayo," sabi ni Pialago sa DZMM.

Umaga pa lang ay sinimulan na aniya ng MMDA personnel na tanggalin ang mga plastic barrier sa EDSA na ginamit para sa VIP lane na dinaanan ng mga delegado sa ASEAN Summit.

Ani Pialago, nakaalis na sa bansa ang mga delegado ng ASEAN at mangilan-ngilang staff na lamang nila ang nasa bansa pa.

Marami ang nagreklamo sa matinding trapikong idinulot ng ASEAN lanes noong una itong inilagay noong Sabado, kasabay ng pagdating ng mga delegado mula sa iba't ibang bansa. 

Humingi naman ng pang-unawa ang gobyerno sa mabigat na trapiko, lalo't para rin naman anila sa ikabubuti ng bansa ang ginawang ASEAN Summit.