2 lalaki tiklo sa pagbebenta ng isdang huli sa blast fishing

Gerard Lorbes, ABS-CBN News

Posted at Nov 15 2017 03:40 PM

GUMACA, Quezon - Dalawang lalaking may dalang 28 kahon ng isdang hinuli gamit umano ang ilegal na pamamaraan ang arestado sa Barangay Rosario dito, Martes ng gabi.

Arestado ang may-ari ng mga kahon na si Willy Torsar at ang driver nito na si Joshua Sitoy matapos mapag-alamang nahuli ang kanilang mga panindang isda gamit ang pampasabog.

Ayon sa mga awtoridad, galing sa Camarines Norte ang mga kahon ng isda na ititinda sana sa Navotas.

Hindi bababa sa P33,000 ang halaga ng mga isdang nasabat.

Nahaharap sina Torsar at Sitoy sa kasong paglabag sa Philippine Fisheries Code of 1998.