SAPUL SA VIDEO: Delivery van, hinoldap sa gitna ng trapiko

ABS-CBN News

Posted at Nov 14 2017 09:19 PM | Updated as of Nov 15 2017 01:57 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nabiktima ng mga holdaper ang dalawang lalaking sakay ng isang delivery truck na naipit sa trapiko sa may A. Bonifacio Avenue, Quezon City. 

Sa video na kuha ng isang netizen, bandang alas-6 ng gabi noong Nobyembre 9, makikita ang isang lalaking nakasampa at nakadukwang sa delivery truck.

Nakasuot ng black sando, military shorts at gray cap ang lalaking kumakausap sa mga nasa loob ng truck.

Batay sa Facebook post ng netizen, dalawang lalaki ang nangholdap sa truck.

Natangay umano ang cellphone at pera ng driver at kasamahan nito.

Wala umanong tumulong dahil sa takot. 

Binalaan ang publiko na isara ang mga bintana ng sasakayan kapag nadaan sa kahabaan ng A. Bonifacio Avenue.

Ayon sa ng mga nagtitinda sa may A. Bonifacio, laganap ang holdap sa lugar.

Madalas umanong umatake ang mga holdaper, na nagpapanggap pa bilang mga tindero, tuwing mabigat ang trapiko.

Kuwento ng tinderang si Rizza Badao na minsa'y nagdadala ng balde ang mga kawatan at magkukunwaring nagpupunas o nagtitinda ng mineral water.

Kapag nakatiyempong may bukas na pinto, tututukan ng mga kawatan ng ice pick ang mga nasa loob ng sasakyan.

Ngunit, ayon sa pulisya, wala silang natatanggap na ulat na may mga holdapan sa lugar. Kaya't pinaalalahanan din nila na ilapit sa kanila ang mga insidente ng holdapan para mahuli ang mga suspek.

-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.