P8.89 milyong droga, 'nilunok' ng dayuhang lumapag sa NAIA

ABS-CBN News

Posted at Nov 14 2017 10:27 PM

Nakatimbre na sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang pagdating ng Colombian na si Alberto Pedraza Quijano bago pa man lumapag ang kaniyang sinasakyang eroplano sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3.

Nakatanggap kasi ng impormasyon ang PDEA mula sa US Homeland Security na plano ng suspek na magpuslit ng droga sa bansa.

Base pa rin sa impormasyon, nilunok ni Quijano ang dose-dosenang pellets na hinihinalang naglalaman ng cocaine na tinatayang nagkakahalaga ng P8.89 milyon.

Nang mahuli ang suspek, dinala siya sa ospital para ma-x-ray.

Doon nakita ang pellets sa kaniyang tiyan.

Mahigit isang araw nakabantay sa Philippine General Hospital ang mga tauhan ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG) para hintaying mailabas ni Quijano ang 79 rubber pellets mula sa loob ng kaniyang tiyan.

Ayon sa NAIA-IADITG, maaaring miyembro ng international drug syndicate si Quijano.

Isasailalim sa drug test si Quijano at dadalhin sa laboratoryo ang nakuhang pellets para maberipika ang mga laman nito.

Sakaling mapatunayang totoo ang alegasyon, dadalhin sa PDEA detention facility si Quijano.

-- Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.