Magkasintahan, natagpuang patay sa magkaibang lugar sa Bataan

ABS-CBN News

Posted at Nov 14 2017 10:43 PM

Natagpuang patay ang magkasintahang kapuwa empleyado ng isang fast food restaurant sa magkahiwalay na lugar sa Bataan.

Kinilala ang mga biktima bilang si Glory Mae Carbonell, 22 anyos, at ang nobyo nitong si James Carl Guzman, 19 anyos.

Paalam ng magkasintahan noong Sabado, Nobyembre 11, na magsisimba at mamamasyal lamang sila.

Pero hindi nakauwi sina Carbonell at Guzman sa kani-kanilang mga tirahan.

Nakatanggap pa ang mga magulang ni Carbonell ng tawag na ipinagbibigay-alam sa kanilang naiwan ng dalagita ang kaniyang cellphone at gamit sa pasyalan malapit sa may dagat sa Balanga City.

Kinabukasan, bandang alas-8 ng umaga, natagpuang palutang-lutang ang bangkay ni Carbonell sa dagat na sakop ng Barangay Landing sa bayan ng Pilar.

Wala nang pang-ibabang saplot ang dalaga kaya hinala ng mga magulang ay hinalay muna ang anak bago pinatay at itinapon sa dagat.

Alas-11 naman natagpuan sa dagat na sakop ng Barangay Camachile sa bayan ng Orion ang bangkay ni Guzman.

Kapansin-pansing nakaangat ang parehong braso ni Guzman.

Hindi matanggap ng mga magulang ng magkasintahan ang malagim na sinapit ng kanilang mga anak.

Gobernador, nagpalabas ng pabuya

Nag-alok si Bataan Governor Albert Garcia ng P500,000 para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon o lead sa posibleng suspek ng krimen.

Bumuo rin ang Bataan Provincial Police Office ng isang komite para resolbahin ang pagpaslang sa magkasintahan.

Hinihintay pa ang resulta ng awtopsiya ng Philippine National Police-Crime Laboratory kaya hindi pa tukoy ang sanhi ng kanilang kamatayan.

Ayon kay Senior Inspector Larry Valencia ng Bataan police, mayroon nang person of interest sa krimen.

Ilang insidente na ng panggagahasa ang nangyari sa pasyalan sa may Balanga pero ayon sa Bataan police ay wala namang ulat na nakakarating sa kanila.

Potensiyal na kandidato pa naman si Carbonell sa posisyong manager sa pinapasukang trabaho, habang nakatakda sanang ipagpatuloy ni Guzman ang pag-aaral sa kolehiyo.

Nanawagan ang mga magulang ng mga biktima sa mga posibleng testigo na lumutang at bigyan ng katarungan ang pagkasawi ng kanilang mga anak.

-- Ulat ni Dominic Almelor, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.