Kooperasyon kontra terorismo, nais paigtingin ng EU sa ASEAN

Willard Cheng, ABS-CBN News

Posted at Nov 14 2017 06:32 PM

Iginiit ng European Union (EU) na mananatiling prayoridad nito ang karapatang pantao, demokrasya, at rule of law kasabay ng pagpapalalim ng relasyon nito sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
 
Sa kaniyang opening remarks sa ASEAN-EU Summit, sinabi ni European Council President Donald Tusk na layon ng EU na pag-ibayuhin pa ang samahan batay sa interes ng lahat.

Nanawagan si Tusk ng pagkakaisa para tugunan ang mga hamon gaya ng smuggling, piracy, trafficking, at terorismo. 

Isinusulong niya ang isang ASEAN-EU anti-terror cooperation na magbibigay daan sa information sharing sa pamamagitan ng Interpol at Europol, at palitan ng impormasyon kung paano lalabanan ang violent extremism. 

Lumalago rin aniya ang kalakalan ng EU at ng ASEAN.
 
Ayon naman kay Pangulong Rodrigo Duterte, pagkakataon ang Summit para balikan ang naging bunga ng relasyon at palaguin pa ito. 

Ito'y bagama't naging maanghang ang pananalita niya noon sa EU dahil sa pagbatikos sa drug war ng administrasyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.