'Breadwinner', nahilo sa MRT, naputulan ng braso

ABS-CBN News

Posted at Nov 14 2017 10:06 PM | Updated as of Nov 15 2017 03:59 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Naputulan ng braso ang isang pasahero ng MRT-3 nitong Martes nang mahagip ng tren matapos mahulog sa riles.

Batay sa kuha ng CCTV sa Ayala Station, bandang alas-2 ng hapon, tila nahilo ang biktima at nalaglag sa mismong pagitan ng dalawang umaandar na bagon.

"Bandang huli doon sa car na naaksidente, nakita siya (biktima) pagewang-gewang. Ngayon, 'yong train natin nakaalis na ... pagdating niya doon sa dugtong ng second at third car, saka siya nahulog," kuwento ni Rafael Robles, supervisor ng MRT Ayala Station.

Kita rin sa CCTV na parang hinabol at pilit hinahablot ng guwardiya ang biktima.

May malay pa ang biktima nang respondehan at naibigay pa ang kaniyang pangalan. Subalit putol na ang kaniyang kanang braso. Sa pagitan ng balikat at siko ang punto ng putol.

Agad siyang isinugod sa Makati Medical Center.

Nagpunta ang ama ng biktima sa Ayala Station.

Napag-alamang ang 24 anyos na biktima pala'y isang "breadwinner" o naghahanapbuhay upang maitaguyod ang kaniyang pamilya.

Nag-iisang anak ang biktima ng retiradong mag-asawang naninirahan sa Pasay.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. 

Halos isa't kalahating oras ang inabot ng suspensyon ng serbisyo ng northbound lane ng MRT dahil sa pangyayari.

Bumalik na sa normal ang operasyon ng MRT bago mag alas-4 ng hapon.-- Ulat ni Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.