Yolanda survivor, inalala ang nalagpasang delubyo

ABS-CBN News

Posted at Nov 07 2017 07:31 PM | Updated as of Nov 09 2017 12:03 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sariwa pa rin sa alaala ng ilang mga nakaligtas ang hagupit ng bagyong Yolanda nang maminsala ito noong 2013, apat na taon na ang nakalilipas.

Isa na rito si Joy Ducusin, na kauuwi lamang mula sa United Kingdom noong mga panahong iyon.

Hindi akalain ni Ducusin ang peligrong dala ng Yolanda.

"Dahan-dahang pumasok na iyong tubig, hanggang iyong tubig umabot na siya sa ceiling," kuwento ni Ducusin.

"Nagpaikot-ikot ako sa loob ng bahay kasi takot na takot ako noong time na iyon."

Kasama ang kaniyang mag-ama, biyenan at kasambahay, nagtago sila sa kisame ng kanilang tahanan. 

Pero nang bumigay ito, tuluyan silang inanod ng baha.

"Pinush kami nang pinush hanggang sa may isang malaking alon na humampas sa amin. Nagkahiwa-hiwalay na kami," ani Ducusin.

Habang inanod ang mga kasama, kumapit si Ducusin sa bintana ng bahay hanggang sa humupa ang baha.

"Sa sobrang lakas ng hangin, hindi mo na makita iyong harap mo. Zero visibility talaga," aniya.

Sa kabila ng matinding karanasan, patuloy ang pagbangon ni Ducusin.

"Sabi nila 'pag sa trahedya daw, kung mabuhay ka, meron ka daw purpose. Ayun, I’ve been searching for that purpose," ani Ducusin.

Gugunitain sa Miyerkoles ang ikaapat na anibersaryo ng pananalasa ng Yolanda sa bansa.

Mapapanood ang buong kuwento ni Ducusin sa unang bahagi ng Yolanda special ng "Red Alert" sa Miyerkoles pagkatapos ng "Bandila" sa ABS-CBN.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.