Pagsupil sa 'fake news', tinalakay sa media literacy workshop ng BMPM

ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2017 11:28 PM | Updated as of Oct 24 2017 11:47 PM

Higit 100 public school teachers ang lumahok sa paglulunsad ng media literacy workshop ng 'Bayan Mo Ipatrol Mo' nitong Lunes. 

Isa ang fake news sa mga usaping tinalakay sa Media and Information Literacy Workshop ng Bayan Mo Ipatrol Mo sa pakikipagtulungan ng Department of Education-Quezon City Division.

Tagapagsalita rito ang mga kinatawan ng ilang programa ng ABS-CBN na nagpaliwanag kung paano binubuo ang balitang napapanood sa telebisyon, napakikinggan sa radyo, o nasasaksihan sa mga digital platform. 

Bukod sa lecture, nasilip din nila ang buhay reporter sa tour sa newsroom at TV Patrol studio.

Ayon kay Ging Reyes, Senior Vice President ng ABS-CBN Integrated News, makatutulong ang workshop upang makita ng mga guro kung ano ba talaga ang ginagawa ng isang mamamahayag.

Ayon sa mga guro, ibabahagi nila sa kanilang mga estudyante ang kanilang natutunan sa workshop, lalo na ang wastong paggamit sa social media at pag-report ng isyu sa kanilang komunidad.

-- Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.