Suspensiyon nakaumang sa taxi ng driver na nagdala ng pasahero sa motel

ABS-CBN News

Posted at Oct 13 2017 10:04 PM | Updated as of Oct 13 2017 10:47 PM

Pinag-aaralan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang pag-iisyu ng preventive suspension order sa lahat ng taxi unit ng New Qualitrans Incorporated.

Ito ay matapos masangkot ang isa nilang driver sa pangmomolestiya ng pasahero sa Quezon City noong Oktubre 9.

Ayon sa 19 anyos na biktimang si alyas "Sarah", tinutukan siya ng kutsilyo at minolestiya ng driver sa Fairview matapos bumaba ang kasama niyang kaibigan.

Masuwerteng nakatakas siya mula sa pinagdalhang motel. Pero nakatakas din ang driver sa ikinasang entrapment operation sa Commonwealth, Quezon City.

Pinaghahanap naman ng LTFRB, Highway Patrol Group, at Quezon City Police District ang driver ng New Qualitrans Taxi na may plate number UVG 945.

Pero bukod sa kaso ng pangmomolestiya ng pasahero, lumalabas na palsipikado rin ang dokumento ng ilang taxi unit ng New Qualitrans.

Batay sa unit verification sa LTFRB, sa Sto. Niño, Parañaque ang opisina ng operator ng New Qualitrans Incorporated ngunit sa pagsisiyasat ng News team ay limang taon nang wala roon ang kanilang garahe.

Nakausap din ng LTFRB ang isang dating nakabili ng taxi unit sa New Qualitrans.

Ayon kay alyas "Kalim," nabili umano niya ang taxi unit sa isang 'Mr. Cruz' ng New Qualitrans Taxi at naibenta na rin niya sa iba ang taxi unit.

Pinaiimbestigahan ngayon ng LTFRB kung paano naisaayos ang papeles ng bentahan ng ilang taxi units ng New Qualitrans.

Paliwanag ng LTFRB, posibleng walang prangkisa o expired na ang lisensiya ng mga tumatakbong taxi ng New Qualitrans dahil hindi pa aprubado ang paglipat ng mga unit sa ibang tao.

Lumalabas din sa rekord ng LTFRB na sa Pebrero 17, 2020 ang expiry date ng prangkisa ng pinaghahanap na UVG 945 white Kia taxi ng New Qualitrans.

Kasunod nito, umaapela ang LTFRB sa mga may-ari o nakabili ng unit sa New Qualitrans na makipag-ugnayan agad sa kanilang tanggapan bago pa sila maglabas ng show cause order o preventive suspension order.

Sa susunod na linggo inaasahang magsasampa ng kasong kriminal ang biktima laban sa suspek.

-- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.