SILIPIN: Modernong jeep na de-kuryente

ABS-CBN News

Posted at Oct 13 2017 01:45 AM | Updated as of Oct 13 2017 02:13 AM

Ipinasilip ang hitsura ng mga modernong jeep sa Philippine Auto Parts Expo sa Pasay City.

Ayon kay Martin Delgra III, pinuno ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board, bukod sa disenyo ng jeep, pinagtutuunan din ng modernization program na paigtingin ang seguridad ng mga pasaherong sumasakay ng jeep.

"'Pagdating sa design po, depende na 'yan sa manufacturer. What the government is up to are the standards. We're more concerned with addressing safety," ani Delgra.

Kabilang sa mga bagong katangian ng modernong jeep ang pagpalit ng LED display sa mga placard.

May mga jeep ding pinatatakbo ng kuryente at Euro 4-compliant na makina.

Mula sa waluhan at sampuan kada hanay, makasasakay na ang higit 12. Hindi pa kasama rito ang mga makatatayo pa.

Hindi rin tulad ng mga kasalukuyang jeep, sa gilid na ang sakayan ng modernong jeep.

Maaari ring gamitin ang beep card sa pagbabayad ng pamasahe.

Nasa P1.2 hanggang P1.8 milyon ang halaga ng bawat unit.

"Since locally-made parts naman karamihan, that will bring the cost (of the unit) down," ani Ferdinand Raquel Santos, pangulo ng Philippine Parts Maker Association.

May ayuda rin ang gobyerno sa mga local manufacturer para makumbinsi silang gumawa ng modernong jeep.

"Binubuo pa 'yong program... ang basic objective noon ay ma-compensate 'yong cost disadvantage na pag-produce dito sa Pilipinas," ani Ramon Lopez, kalihim ng Department of Trade and Industry.

Bago matapos ang taon, may makikita na raw na modernong jeep na pumapasada sa kalsada.

-- May ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.