Shabu inihalo sa asin sa Camp Bagong Diwa?

ABS-CBN News

Posted at Oct 13 2017 02:08 PM

Samu’t saring mga kontrabandong gamit, kabilang na ang hinihinalang shabu, ang nakumpiska sa isinagawang Greyhound Operation sa Metro Manila District Jail Huwebes ng madaling araw.

Ayon sa tagapagsalita ng Bureau of Jail Management and Penology na si Senior Inspector Xavier Solda, ang lugar ay isa sa mga piitan sa loob ng Camp Bagong Diwa sa Taguig.

Sabi ni Solda, kabilang sa mga nasamsam sa operasyon ay 40 na cellphones, 62 SIM cards, 9 na USB, 71 pakete ng sigarilyo, 239 sticks ng sigarilyo, higit sa 400 tobacco, higit sa P88,000 cash, at hinihinalang shabu na inihalo sa asin.

“Isinubmit na natin ito for confirmatory test kasi nung nag-conduct ng Greyhound Operation, mayroong 3 bote ng asin na nakuha then napansin nung inopen ng mga operatiba natin, may kakaibang characteristic, may mga crystallize substance na nakahalo sa asin kaya isinama na namin at ipina-examin na natin,” sabi niya.

Inaasahan ng BJMP na mailalabas ng Philippine Drug Enforcement Agency ngayong araw ang resulta ng test.

Kaugnay nito, ipinag-utos na aniya ang pagsibak sa pwesto ng Jail Warden na si Supt. Gemelo Taol.

“Ang babala ng aming hepe, mag-resign na kayo kung hindi niyo kayang linisin yung mga facility,” sabi ni Solda.

Ang Greyhound Operation ay bahagi ng inilungsad na Oplan Linis Piitan na random na isinasagawa sa 475 pasilidad ng BJMP sa buong bansa. DZMM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.