Pulse at SWS, magkaiba ang resulta ng survey kay Duterte

ABS-CBN News

Posted at Oct 13 2017 09:06 PM | Updated as of Oct 14 2017 12:22 AM

Mataas ang nakuhang approval at trust ratings ni Pangulong Rodrigo Duterte sa bagong survey ng Pulse Asia, malayo sa resulta ng Social Weather Stations survey kahit na ginawa ito sa magkaparehong panahon.

Sa nationwide Pulse Asia survey mula September 24-30, makikitang 80% pa rin ang approval at trust ratings ni Duterte, halos walang pinagkaiba sa kaniyang rating noong Hunyo. 

Pero malayong malayo ito sa resulta ng SWS survey mula September 23-27 kung saan nakakuha ang Pangulo ng 67% gross satisfaction rating, mas mababa ng 18 percent sa kaniyang datos noong Hunyo. 

Nagulat ang isang political analyst dahil sa layo ng mga resulta sa ratings lalo na’t bihira lamang umano magkaroon ng diperensiya ang dalawang grupo.

“I’m just startled at the divergence between the two and I think some explanation has to be done by SWS in particular about why it seems to be so different,” ani Ranjit Rye, isang propesor ng political science sa Unibersidad ng Pilipinas.
    
Pero para kay Rye, malayo man ang mga resulta, maliwanag sa parehong survey na malakas pa rin ang Pangulo sa kabila ng mga kontrobersiya sa kaniya.

“I guess that’s something we still have to study. It’s possible the roll out of government programs is now coming into full fruition,” ani Rye.

Hindi naman ito matanggap ng isang kritiko ng pangulo.

“President Duterte's high rating should be examined carefully given the many ‘writings on the wall’ specifically on extrajudicial killings,” ani Senador Risa Hontiveros. 

Natuwa naman ang Palasyo dahil lumalabas na sa kabila ng kaliwa’t kanang banat sa kaniya, pinagkakatiwalaan pa rin ang Pangulo.

"Despite the multifaceted political noise, President Duterte is still the most approved and the most trusted government official in the Philippines today with an 80% approval rating and 80% trust rating," pahayag ni Ernesto Abella, tagapagsalita ng Pangulo

--Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.