'Presyo ng ilang bilihin, tataas kung matuloy ang SSS dagdag-kontribusyon'

ABS-CBN News

Posted at Oct 13 2017 01:06 AM

Kulang pa ang itinaas sa minimum wage ng mga manggagawa sa Metro Manila para punan ang planong dagdag-kontribusyon sa Social Security System (SSS), ayon sa isang grupo. 

Kasunod nito, plano ng ilang negosyante na ipasa sa presyo ng bilihin ang dagdag-gastos dahil sa wage hike at pati na kung matutuloy ang pagtaas ng SSS contribution.

Nasa 80 hanggang 90 ang empleyado ng negosyanteng si Steven Cua at obligado siyang taasan ang suweldo matapos itakda ang dagdag na P21 sa minimum wage.

Aniya, kung matutuloy ang dagdag-kontribusyon sa SSS, wala rin siyang magawa kundi ipasa sa presyo ng bilihin kasunod ang dagdag-gastos sa operasyon.

Samantala, pinulong ng SSS nitong Huwebes ang ilang grupo ng manggagawa at inilatag ang epekto ng dagdag-kontribusyon.    

Kapag nagkataon, magiging P1,250 na ang kontribusyon ng mga kumikita ng P10,000 kada buwan na sa ngayon ay nagre-remit ng P1,100.

Para naman sa mga sumusuweldo ng P20,000, magiging P2,000 na ang kasalukuyang kontribusyon na P1,760.

Pero ayon sa Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU–TUCP), kapos ang dagdag-sahod sa minimum-wage earner bilang pantapal sa dagdag kontribusyon.

“Sa ngayon, hindi kakayanin dahil kulang pa. Unang-una, ‘yong singil sa kuryente napakalaki,” ani Alan Tanjusay, tagapagsalita ng ALU-TUCP. 

Pupulungin din ng SSS ang mga employer para paliwanagan sa dagdag-kontribusyon.

“Kung gusto nilang lumaki ang kanilang biyaya, tulungan nila kami para matulungan namin sila,” ayon kay Emmanel Dooc, pangulo ng SSS. 

Wala pang pasya kung 50-50 ang hatian ng dagdag-hulog o mas malaki ang sa employer.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.