Palasyo, kumambiyo sa pagpapalayas ni Duterte sa EU ambassadors

ABS-CBN News

Posted at Oct 13 2017 10:28 PM

Pinaulanan ng maaanghang na salita ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Huwebes ang ambassadors ng mga bansang miyembro ng European Union (EU) at sinabihan ang mga itong mag-alsa-balutan sa loob ng 24 oras.

Pero ayon sa special envoy ng Pangulo sa EU na si dating Senador Edgardo Angara, hindi nabigyan ng kumpletong impormasyon ang Pangulo. 
 
Ikinagalit kasi ng Pangulo ang pahayag ng bumisitang miyembro ng "Progressive Alliance" na nagbabala na maaaring mawala ang pribilehiyo ng Pilipinas na makapagluwas ng produkto sa EU nang walang binabayarang taripa kung hindi matitigil ang mga pagpatay sa war on drugs.

Pero ang EU, itinanggi na kinakatawan sila ng nasabing grupo. 

Nakausap na ni Angara ang ilang ambassadors na pinalayas ni Duterte. 

Dagdag ni Angara, responsibilidad ng Department of Foreign Affairs at ng kaniyang malalapit na tagapayo na ibigay sa Pangulo ang "full picture." 

'Walang lalayas'

Kumambiyo rin ang Palasyo at sinabing hindi kailangang lumayas ng EU ambassadors.

Ipinaliwanag nila na reaksiyon lamang iyon ng Pangulo sa mga nababasa sa diyaryo. 

"There's no need. There's no directive to do that...[T]he President reacted as any leader would when national sovereignty is violated. So, we call upon...the media to heed his request too for correct reportage," ani Ernesto Abella, tagapagsalita ni Duterte. 

Bumuwelta rin si Department of Trade and Industry Secretary Ramon Lopez sa batikos ng bumisitang mga delegado.

Aniya, salungat sa ugali ng mga opisyal ng EU ang ipinakita ng bumisitang grupo. 

"If you talk to the real EU parliamentarians, the officials, they are more careful eh...They don't want to appear interfering eh," ani Lopez.

Suspetsa ni Lopez, sinadyang imbitahin ang nasabing grupo upang iritahin ang Pangulo. 

Kamakailan lang, nakipagpulong sina Lopez at Angara sa mga opisyal ng EU na nagsabing handa silang makipagtulungan sa Pilipinas, kabilang ang paglaban sa mga banta sa terorismo at droga.

--Ulat ni Willard Cheng, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.