Paddle sa Aegis Jvris library, may bakas ng DNA ni ‘Atio’

ABS-CBN News

Posted at Oct 13 2017 09:31 PM

Tumugma sa DNA ni University of Sto. Tomas law student Horacio “Atio” Castillo III ang body fluid mula sa paddle na nakuha sa Aegis Jvris library kung saan pinaghihinalaang naganap ang hazing na ikinamatay nito. 

Nakuha ang paddle nang pasukin ng PNP-SOCO ang library para mangalap ng ebidensiyang makatutulong sa paglutas ng kaso ni Atio. 

Isinumite sa DNA laboratory ang swab sample na nakuha sa isang spatula o paddle na nakita sa nasabing library, pati na rin ang isang marka ng dugo na nakalagay sa t-shirt ng biktima nang isugod ito sa ospital.

Kasabay nito, kinuhanan din ng buccal swabbing ang ama ni Atio na si Horacio at inang si Carminia.

Ang resulta, 99.99% na positibong match ang DNA mula sa dugo sa t-shirt ni Atio sa DNA ng kanyang mga magulang.

Nagpositibo ang DNA na nakuha mula sa body fluid sa spatula o paddle sa DNA ng mga magulang ni Atio.

Ibig sabihin, galing ang body fluid sa kanilang anak.

"Ninety-nine point ninety-nine percent statistical probability ang ibinibigay sa parentage testing na ginagawa like this one. Ang nakuha natin na resulta sa paddle ay kinumpara natin sa resulta ng DNA profile na nakuha natin sa parents," paliwanag ni Chief Insp. Lorna Santos, hepe ng DNA crime laboratory.

Para sa PNP crime lab, isang breakthrough ang resulta ng DNA testing dahil dito posibleng maitali ang lugar kung saan isinagawa ang hazing na dahilan ng pagkamatay ni Atio. 

--Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.