Lalaki, pinatay ng riding-in-tandem

May Diez, ABS-CBN News

Posted at Oct 13 2017 05:28 PM

ROSARIO, Agusan del Sur – Patay ang isang lalaki matapos na barilin ng malapitan ng isang riding-in-tandem na gunman Huwebes ng tanghali sa Agusan del Sur.

Katatapos lamang mananghalian ng biktimang si Rene Sangalia sa isang karinderya nang lapitan at biglang paputukan ng gunman alas-12 ng tanghali sa Purok Gumamela sa Barangay Sta. Cruz sa Rosario.

“Hindi po siya involved sa illegal drugs. Sa inisyal naming investigation, according sa kapatid niya is wala naman daw po siyang kaalitan dahil mabait naman daw po itong taong ito,” ani SPO1 Charlie Coral ng Rosario Municipal Police Station.

Si Sangalia ay in charge umano sa solid waste management ng Barangay Sta. Cruz.

Hindi pa nakikilala ng Rosario police ang gunman na agad tumakas sakay ng isang motorsiklo. Patuloy pa rin inaalam kung ano ang motibo sa pamamaril.

Sa isinagawang imbestigasyon, nakatalikod ang biktima nang ito’y barilin at napuruhan sa ulo. 

Pinaniniwalaang kalibre .45 baril ang ginamit ng gunman, base sa narekober na basyo ng bala sa lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.