Lalaki, patay sa pamamaril; selos, tiningnang motibo

ABS-CBN News

Posted at Oct 13 2017 08:46 PM

Patay sa pamamaril ang isang lalaki sa Tondo, Maynila nitong Huwebes (Oktubre 12) ng gabi. 

Kinilala ang biktima na si Margie Dordulo na nag-aabang lang umano sa kaniyang anak sa Vitas, Barangay 98, Tondo, Maynila noong gabi ng insidente. 

Iaaabot niya sana ang allowance ng kaniyang anak nang bigla siyang pinagbabaril nang hindi kilalang gunman. 

Ayon sa opisyal ng barangay na si Danilo Miranda, nakabisikleta ang salarin habang nagte-text lang ang biktima kaya hindi na nito napansin ang namaril. 

Dumalaw lamang anila si Dordulo sa lugar at hindi malaman kung saan siya nakatira dahil magkakaiba ang kaniyang address sa mga identification card.

Ayon pa sa barangay, walo ang lumalabas na kalaguyo ng biktima kaya selos ang pinag-aaralang motibo sa krimen. 

Tinakbo pa sa pagamutan si Dordulo pero binawian din ng buhay. 

-- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.