'Laban kontra droga ng PDEA, di magiging madugo'

ABS-CBN News

Posted at Oct 13 2017 09:57 PM

Nangako ang hepe ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na hindi magiging kasing-madugo ng 'Oplan Tokhang' ang pamumunuan niyang laban kontra droga. 

Ito ay kasunod ng desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na ilipat sa PDEA ang pangunguna sa kampanya kontra droga mula sa Philippine National Police.

“Definitely it will be less bloody. I'm trying to assure the public na talagang during my time, it will not be. Hindi na mangyayari 'yan," ani Aaron Aquino, hepe ng PDEA. 

Bilang paniniguro, pagsusuotin daw niya ng body camera ang mga operatiba ng PDEA at iimbitahan ang media upang maging saksi sa tuwing may operasyon.

Higit sa lahat, mahalaga aniya ang istriktong pangangasiwa galing sa liderato ng PDEA.

“So that everybody will know that our operations will be legitimate. Otherwise, 'yung mga tao natin sa baba magiging trigger-happy pagdating sa operations,” paliwanag ni Aquino.

Pero aminado si Aquino na magiging mahirap ang trabaho lalo't kakaunti lamang ang operatiba nila at limitado rin ang budget ng ahensiya.

Ang aktwal na bilang ng kanilang tao, hindi pa umano aabot sa 1,200.

Ayon kay dating PDEA director general Dionisio Santiago, dapat dagdagan ang pondo ng ahensiya.

Pinag-iingat din niya si Aquino sa pagpili ng mga sasama sa operasyon.

“Ang problema du'n, 'yung iba diyan makikisawsaw. Marami diyan gagawa ng paraan para pagkakitaan pa rin ang drug campaign,” ani Santiago, na ngayon ay chairman na ng Dangerous Drugs Board.

Panukala ni Santiago, magtalaga si Duterte ng "drug czar" na mangangasiwa sa kabuuang kampanya kontra droga.

--Ulat ni Christian Esguerra, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.