Ilang may diabetes, hindi batid na may sakit dahil walang sintomas

ABS-CBN News

Posted at Oct 13 2017 01:20 AM

Mahigit apat na milyong Pilipino sa bansa ang diabetic, ayon sa datos ng Bridges International Diabetes Federation.

Karamihan pa sa mga may diabetes, hindi batid na sila'y mayroon nang sakit.

Ayon sa mga eksperto, tinatawag na "silent killer" ang diabetes dahil hindi ito symptomatic, ibig sabihin, hindi agad makikita o mararamdaman ang mga sintomas ng sakit sa simula, hanggang sa magkaroon na ng komplikasyon. 

Pang-walo ang diabetes sa nangungunang dahilan ng pagkamatay sa bansa dahil na rin sa mga komplikasyon na makukuha mula sa sakit.

Karaniwang sakit sa puso, kidney problem, pagkabulag at pagkaputol ng paa ang mga komplikasyong sanhi ng diabetes.

Kaya payo ng mga doktor, magpa-check ng dugo para malaman kung diabetic lalo na kung nasa lahi.

Tiyakin ding kumain nang tama at sapat, mag-ehersisyo at laging bantayan ang kalusugan.

Ang 64 anyos na si Divina Sering, maraming binago sa kaniyang buhay mula nang ma-diagnose na may diabetes noong 2013.

Itinigil na niya ang pag-inom ng softdrinks at pagkain ng matatamis.

Mas madalas na rin ang pagkain niya ng prutas at gulay para maiwasan ang komplikasyon sa katawan.

Namana rin ng anak ni Sering ang diabetes kaya sinisiguro nilang mag-inang walang pumapalya sa pag-inom ng gamot.

Wala pang lunas sa sakit na diabetes kaya't kapag nagkaroon nito ang isang tao, hindi na ito kailanman maaalis sa katawan.

Pero maaari namang kontrolin ang sakit para ma-delay o hindi na umabot sa mga komplikasyon.

-- Ulat nina Kori Quintos at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.