Ilang kalsada sa Ilocos Norte natabunan ng lupa dahil kay 'Odette'

Kim Lorenzo, ABS-CBN News

Posted at Oct 13 2017 06:11 PM

Natabunan ng gumuhong lupa ang ilang kalsada sa Vintar, Ilocos Norte dahil sa bagyong "Odette." Photo Courtesy of MDRRMRC-Vintar, Ilocos Norte

VINTAR, Ilocos Norte- Tatlong magkakahiwalay na insidente ng pagguho ng lupa ang naitala sa bayan na ito dahil sa pananalasa ng bagyong "Odette."

Hindi madaanan ang mga kalsadang Palias Road, Dipilat Road, at Surong Road batay sa mga larawang kuha ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Resiliency Council (MDRRMC).

Ayon kay Mayor Larisa Foronda, ang mga kalsada ang tanging daanan ng mga residenteng nakatira sa mga malalayong barangay.

“Madaling araw nang magresponde ang MDRRMRC natin at talagang nasarahan yun mga kalsada dahil sa pagguho ng lupa sa bundok,” ani Foronda.

Bandang alas-7 ng umaga na nitong Biyernes nang mabuksan ang mga kalsada sa mga motorista.

Agad na naalis ang mga kahoy at lupa sa daan sa pamamagitan ng mga naka standby na heavy equipment.

“Mabilis naman na naalis yun mga lupa sa mga kalsada kaya passable na ngayon,” ani ni Foronda.

Nagpaalala naman ang lokal na pamahalaan ng Vintar na patuloy na mag-ingat dahil sa pabugso-bugsong ulan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.