Goodbye, 'tokhang': PNP, tututok sa 'riding-in-tandem'

ABS-CBN News

Posted at Oct 13 2017 12:40 AM

Pagtutuunan na ngayon ng Philippine National Police (PNP) ang kampanya kontra kriminalidad matapos i-utos ng hepe ng PNP na ihihinto na ng pulisya ang kanilang operasyon kontra droga, na mas nakilala bilang "tokhang".

Inatas ni PNP chief Director General Ronald "Bato" Dela Rosa ang tigil-tokhang matapos italaga ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) bilang tanging ahensiyang mangunguna sa kampanya kontra droga. 

Ayon kay Dela Rosa, pagtutuunan ng pansin ng kanilang ahensiya ang ibang krimen, partikular ang mga kaso ng riding-in-tandem.


"Maramin namang krimen, hindi lang naman drugs ang problema natin," ani Dela Rosa sa programang "Dos Por Dos" ng DZMM nitong Huwebes.

"Shift tayo focus from war on drugs to war on terror... War on street crimes, lalong-lalo na ang riding-in-tandem," ani Dela Rosa.

Paliwanag ni Dela Rosa, napagbibintangan kasi ang mga pulis sa mga insidente ng riding-in-tandem.

"Dito kami napapasama dahil itong mga pumapatay na ito’y pinagbibintang na mga pulis o kaya tino-tolerate ng pulis," ani Dela Rosa.

Samantala, ipinag-utos na rin ni Dela Rosa na buwagin ang lahat ng drug enforcement units ng PNP sa buong bansa.

Ipinalipat na lamang ang mga pulis na kasapi ng mga drug enforcement unit sa ibang sangay ng pulisya.

Aminado naman ang PDEA na malaking hamon sa kanila ang pangunguna sa mga operasyon kontra ilegal na droga, lalo na't kulang sila sa pondo at tauhan.

"Definitely, mapipilay ang war on drugs natin. We still need the PNP," ani Aaron Aquino, pinuno ng PDEA.

Nasa 2,000 ang tauhan ng PDEA habang nasa halos 200,000 tauhan ng PNP.

Pero nilinaw ng PNP na hindi sila makikialam sa pagsawata sa mga sangkot sa droga.

Hindi pa natitiyak ng PNP Drug Enforcement Group ang sistema sakaling kailanganin ang mga pulis sa mga operasyong ikakasa ng PDEA.

Umaasa ang Commission on Human Rights na kikilos ang PDEA nang naaayon sa batas.

Nilinaw naman ng Palasyo na hindi nangangahulugang sumuko na ang pamahlaan sa giyera nito kontra droga.

Nangangamba naman mabawi sa PNP ang P900 milyon na pondo para sa "Oplan Double Barrel."

Una nang sinabi ni Senador Koko Pimental na pag-aaralan nila kung kakailanganin pa ng PNP ang nasabing pondo o babaguhin ang inilaang pondo para sa PDEA.

Aabot sa P934 milyon ang hiling na pondo ng PDEA para sa pandagdag sa mga gamit at tauhan ng ahensiya.

-- Ulat nina Maan Macapagal at Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.