Ulan ni 'Odette,' nagdulot ng pagguho ng lupa sa Apayao

Micaela Ilao, ABS-CBN News

Posted at Oct 12 2017 11:39 PM

BAGUIO CITY – Hindi agad nakadaan ang ilang mga mananakay at motorista sa bahagi ng Calanasan Road sa Apayao, matapos gumuho ang lupa sa bahagi nito Miyerkoles ng hapon.

Sa litrato na kuha ng Municipal Disaster Risk Reduction Office ng Calanasan, makikitang ang patuloy na pag-ulan na dala ng tropical depression "Odette" ang dahilan ng pagguho.

Agad nagkaroon ng clearing operation ang Department of Public Works and Highways at nabuksan din ang kalsada Huwebes ng umaga.

Pero may ilang mga sasakyan na nahirapang makadaan dahil maputik.

Wala namang nasaktan sa insidente.

Huwebes ng tanghali, namataan sa bahagi ng Tuguegarao City sa Cagayan ang bagyong Odette.

Inaasahan na sa weekend pa ito lalabas ng bansa.

Direktang matatamaan ang ilang lalawigan ng Cordillera.

Itinaas na ng Cordillera Risk Reduction Management Council (CRDRRMC) ang blue alert sa mga lalawigan ng rehiyon maliban sa Benguet.

Wala na ring pasok ang mga pre-school sa Abra, Apayao, Ifugao, Kalinga, at Mt. Province.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.