'Oplan Tokhang', ipinatigil na ng hepe ng PNP

ABS-CBN News

Posted at Oct 12 2017 01:37 PM | Updated as of Oct 23 2017 02:54 PM

Ipinatigil na ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald "Bato" Dela Rosa ang "Oplan Tokhang".

Ipinag-utos ni Dela Rosa ang paghinto nito sa buong bansa kasunod ng atas ni Pangulong Duterte na nagtatalaga sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na maging tanging ahensiyang mangunguna sa kampanya kontra droga. 

Ayon kay Dela Rosa, tututok muna sila sa mga kampanya kontra kriminalidad, partikular na sa mga krimeng kinasasangkutan ng mga riding-in-tandem, at sa paglilinis ng kanilang hanay o internal cleansing.

Sa ngayon, aniya, tigil ang lahat operasyon kontra-droga na pinangungunahan ng PNP sa buong bansa.

Pero ayon kay Dela Rosa, hindi nangangahulugang tagumpay ang mga kritiko ng giyera kontra droga dahil sa pagtigil ng operasyon ng PNP.

Paliwanag niya, nariyan pa rin ang PDEA para ipagpatuloy ang mandato ni Duterte.

Nauna nang sinabi ng PDEA na maaari pa rin silang humingi ng tulong sa PNP para ipagpatuloy ang kampanya kontra droga.

Sinabi ni Dela Rosa na handa silang umagapay sa PDEA kung kinakailangan.

Batay sa datos ng ABS-CBN Investigative and Research Group, umabot sa 4,251 ang napatay sa kampanya kontra droga ng PNP mula ika-10 ng Mayo 2016 hanggang ika-10 Oktubre 2017. -- Ulat ni Noel Alamar, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.