Kalsadang papasok sa 6-km danger zone ng Mayon, tinutulan

ABS-CBN News

Posted at Oct 12 2017 03:37 PM

Umalma ang ilang grupo sa paglalagay ng kalsada sa paanan ng bulkang Mayon sa bayan ng Bacacay, Albay.

Bawal kasi pumasok sa 6-kilometer permanent danger zone ng bulkan dahil nasa alert level 1 pa ito. 

Ang nasabing kalsada ay proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Ang plano, gumawa ng kalsada mula sa Lidong, Sto. Domingo papunta sa Bonga, Bacacay, San Roque, Malilipot, hanggang maikonekta ang kalsada sa Mayon skyline sa Buang, Tabaco City.

Pero tutol ang mga environmentalist at mountaineers sa nasabing proyekto.

Sabi ng mountaineer na si Rommel Aspe, sakop ng protected area ang lugar na lalagyan ng kalsada.

“Sabihin na nating national road yan, pero noong 2000 dineclare ‘yan na protected area. May presidential decree iyan,” ani Aspe. 

Sabi naman ng DPWH, makatutulong ang road project para mabilis na maibaba ang ilang produkto, maiwasan ang illegal logging, at tulong din umano ito sa turismo.

Pero nanindigan ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na hindi nila inirerekomenda ang anumang aktibidad sa loob ng 6-kilometer permanent danger zone ng Mayon dahil maari pa rin itong sumabog anumang oras.

Baka din umano maengganyo pa ang ilan na magtayo ng bahay sa dalisdis ng bulkan.

“Ang sa amin lang ay ang danger na maaaring maidulot nito,” ani Ed Laguert, resident volcanologist ng Phivolcs-Legazpi.

Aminado naman ang district engineering office na sinimulan na nila ang trabaho kahit wala pang environment compliance certificate ang proyekto mula sa Department of Environment and Natural Resources.

“’Yung sa Buang mas mabilis ang papel, yung sa Bonga, Bacacay, mas mabilis ang equipment ng Sunwest kesa sa papel, pero inaasikaso na namin,” pag-amin ni Simon Arias, district engineer ng Albay 1st district.

Dagdag pa nila, papalitan ng 100 puno ang bawat punong puputulin sa paggawa ng kalsada. --Ulat ni Thea Omelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.