Hydro power plant sa Mt. Province pinasabugan

Mae Cornes, ABS-CBN News

Posted at Oct 12 2017 08:56 PM

Pinasabugan ng mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) ang hydro powerplant ng Hedcor sa Otukan Norte, bayan ng Bauko, Mt. Province, Martes ng gabi.

May 90 porsyento ng 14-megawatt na planta ang nasira matapos pasabugin ang control room nito alas-11 ng gabi.

Sa imbestigasyon ng mga pulis, mga kasapi ng NPA umano ang sangkot sa pagpapasabog, pero hindi pa nila alam kung anong command sakop ang mga ito.

“The witnesses described them and identified them as members of the New People’s Army, more or less about 10 fully armed accompanied by a woman,” sabi ni Senior Supt. Tello Ngis-o, Provincial Director ng Mt. Province Police.

Walang nasaktan sa insidente, pero nakaranas ng 11 oras na blackout ang buong Mt. Province at ilang bahagi ng Benguet.

“The sudden period of darkness has really deprived the people of basic safety and convenience of living. It really affected everyone, and the people who fed and sheltered the NPA were not spared. So ang question is why did they do that at the expense of people suffering?” dagdag ni Ngis-o.

Aminado ang pamunuan ng Hedcor na dati na silang nakakatanggap ng banta sa pamamagitan ng liham. Ipinapasa nila ito sa mga pulis para sa tamang aksyon.

Taong 2013 nang ipinagawa ang planta at 2015 nang magsimula ang operasyon nito.

Ayon sa pamunuan ng Hedcor, malaki ang epekto nito sa komunidad.

“We are also concerned with the community loss as far as the royalties are concerned. For your info, the province and the IPs (indigenous people) do get royalty shares sa Sabangan plant,” sabi ni Chris Faelnar, Senior Vice President ng Hedcor.

Nakatutok ngayon ang Hedcor sa pagpapagawa ng pasilidad. Hinigpitan na rin ang seguridad sa lugar at iba pa nilang pasilidad.

Hindi pa tukoy ng awtoridad kung anong klaseng pampasabog ang ginamit sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.