Bagyong 'Odette' lalong lumakas; pag-ulan, asahan sa ilang lugar sa N. Luzon

ABS-CBN News

Posted at Oct 12 2017 11:59 PM | Updated as of Oct 13 2017 12:00 AM

Lumakas pa ang bagyong "Odette" na nagbabadyang mag-landfall sa Santa Ana, Cagayan anumang oras mula alas-11 ng gabi ngayong Huwebes, Oktubre 12, hanggang alas-2 ng madaling araw ng Biyernes.

Base sa weather bulletin ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na inilabas nitong alas-11 ng gabi ng Huwebes, isa nang tropical storm ang kanina'y tropical depression Odette.

Huling namataan ang bagyo sa layong 125 kilometro silangan ng Aparri, Cagayan.

May lakas itong 65 kilometro kada oras (kilometers per hour o kph) malapit sa gitna at bugsong aabot ng 80 kph.

Kumikilos ito pa-kanluran sa bilis na 30 kph.

Nakataas pa rin ang tropical cyclone warning signal number 2 sa mga sumusunod na lugar:

  • Batanes
  • Cagayan, kabilang ang Babuyan Group of Islands
  • Apayao 
  • Ilocos Norte

Itinaas naman ang signal number 1 sa mga sumusunod na lugar:

  • Isabela
  • Abra
  • Kalinga
  • Mountain Province 
  • Ifugao
  • Ilocos Sur

Ayon sa PAGASA, asahan ang katamtaman hanggang malakas na ulan sa mga apektadong lugar.

Nananatili ring peligrosong pumalaot sa seaboards ng Northern Luzon dahil sa bagyo.

Bumisita rin sa ABS-CBN Weather Center para sa updates tungkol sa lagay ng panahon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.