Babae natagpuang patay sa apartelle

ABS-CBN News

Posted at Oct 12 2017 10:13 AM

MANILA - Natagpuang patay ang isang babae sa apartelle sa Commonwealth Avenue sa Barangay Old Balara, Quezon City, Huwebes. 

Kuwento ng bellboy, may kasamahang lalaki ang babae nang mag-check in sa apartelle dakong ala-1 ng umaga. Umalis aniya ang lalaki makalipas ang 1 oras at sinabing magsisigarilyo lang, pero hindi na bumalik. 

Dakong alas-4 ng umaga, kinatok ng mga tauhan ng apartelle ang kuwarto nang mag-overtime na ang renta dito, pero walang sumagot sa kanila. 

Nang buksan ang kuwarto, tumambad sa kanila ang bangkay ng babae sa kama. Bumubula ang bibig ng biktima. 

Nakilala siya bilang si Girlie Villahermosa, 48, batay sa mga nakuhang ID, kabilang na ang isa na tumukoy sa kanya bilang imbestigador ng Violence Against Women and Children Desk sa Barangay Silangan. 

Ayon sa mga pulis, malabong pinagnakawan si Villahermosa dahil nasa crime scene ang tablet PC at wallet nito. 

Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.