ALAMIN: Ano ang palatandaan ng kontaminadong karne?

Joey Yecyec, ABS-CBN News

Posted at Oct 12 2017 10:25 PM

CAGAYAN DE ORO CITY - Kinumpiska ng National Meat Inspection Services (NMIS) sa Region 10 ang mahigit 200 kilo ng karneng baboy sa sorpresang inspeksiyon sa Cogon Public Market sa Cagayan de Oro City Huwebes ng madaling araw.

Ayon sa NMIS, kinumpiska nila ang mga karne dahil hindi maayos ang pagkakaimbak sa mga ito.

Hindi umano napanatili ng mga tindero ang tamang temperatura para manatiling sariwa ang mga karne. Dahil dito, maaaring magkaroon ng kontaminasyon ang karne.

Sinunog sa City Slaughter House ang kinumpiskang karne para hindi na maibenta o makain.

Ilan sa palatandaan ng kontaminadong karne ay ang pagkakaroon ng hindi magandang amoy, pagiging madulas, at pagkakaroon ng blood clots.

Pinayuhan rin ng otoridad ang mga mamimili na maging mapili sa pagbili ng karne sa palengke.

Balak ng NMIS na magkaroon muli ng inspeksiyon sa ibang mga palengke sa rehiyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.