2 arestado sa pagbebenta ng shabu na may 'extender'

ABS-CBN News

Posted at Oct 12 2017 08:25 PM

Dalawa ang arestado sa buy-bust operation sa isang subdivision sa San Pedro, Laguna nitong Miyerkoles.

Ang modus umano ng mga suspek, magbenta ng pekeng shabu na hinahaluan ng mababang klase ng droga, tawas, at deodorizer ng kubeta. 

Target ng mga pulis sina Daniel Canlas at isang alyas 'Armand' na matagal na nilang tinitiktikan matapos makabili ang kanilang asset sa mga nasabing kawatan.

Naaktuhan din sa operasyon ang 17 anyos na anak ni Armand at asawa nito na kasama pa ang 2 taong gulang na anak.

May nakuha pa sa sasakyan nila na ilang sachet ng shabu at dalawang hindi lisensiyadong baril.

Pero lahat ng bintang ay itinanggi ng mga suspek.

"Nagda-drive ako sa Uber, eh wala ho akong ano ngayon kasi coding ako.. sabi nga ng kumpare may ihahatid daw po," paliwanag ni Canlas. 

Inamin naman ni Armand na sa kaniya ang mga baril, pero iginiit na hindi siya nagbebenta ng droga.

"’Yung baril po na 'yun, 'patutubos ko na po sana tapos yung isa ibebenta…napag-utusan lang po talaga kami…number sa number lang, hindi ho namin alam na droga," ani Armand.

Ayon sa hepe ng Drug Enforcement Unit ng pulisya, maaaring madami ang parokyano ng mga suspek kaya kinukulang na sila ng droga.

"Nag-umpisa ito doon sa sinasabing may mga nagbebenta nga ng pekeng shabu…mayroon kaming nabilhan na ang nasa loob nga ay sadyang hindi shabu kundi mga tawas, Albatross,” ani Supt. Joel Estaris.

Babala ng mga pulis, maaring mas masama pa ang maging epekto ng paggamit ng droga na may mga halong extender.
    
Nahaharap sa patung-patong na kaso ang dalawang suspek habang ite-turn over naman sa Department of Social Welfare and Development ang naarestong binatilyo. --Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.