SAPUL SA CCTV: Rider, sumemplang sa sinadyang ihambalang na road sign

ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2017 01:21 AM

Sugatan ang isang rider ng motorsiklo matapos sumemplang sa road sign na sadyang inihambalang sa gitna ng highway sa Santo Tomas, Batangas noong Linggo, Oktubre 8.

Nakuhanan pa ng CCTV ang pagkaladkad ng isang lalaki sa road sign mula sa gilid ng kalsada patungo sa gitna mismo ng Maharlika Highway.

Makalipas ang ilang minuto, bumangga si Bayan Patroller Darwin Santos sa road sign na gawa sa bakal at semento.

Sa lakas ng pagkakabangga, tumalsik si Santos at sumemplang sa kalsada.

Bukod sa mga galos sa kamay at braso, nabasag din ang dalawang ngipin ni Santos.

Nasira ang motorsiklong sinasakyan ng biktima.

Kuwento ni Santos, madilim ang daan kaya hindi niya nakita ang nakaharang na karatula.

Pinaghahanap na ng mga awtoridad ang lalaking nangialam sa parking sign.

Sa C-5 Road naman noong Sabado, Oktubre 7, nakunan ng dashcam ni Bayan Patroller John Christian Aman ang pag-iwas ng isang cement mixer sa mga traffic cone sa kalsada.

Ngunit dahil mabilis ang takbo ng truck, gumewang-gewang ito at sumampa sa center island.

Walang nabanggang sasakyan ang truck at wala ring nasaktan sa insidente.

Ayon sa Taguig Traffic Department, "human error" ang sanhi ng insidente.

Pinag-iingat naman ang publiko na huwag masyadong mabilis magpatakbo lalo na kung mabigat at malaki ang sasakyang minamaneho.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.