Motorcycle rider, nasagasaan ng truck sa Pasay

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Oct 08 2017 08:20 AM

MANILA - Inihahanda na ang kaso laban sa driver ng 14-wheeler trailer truck na nakasagasa sa isang motorcycle rider sa Edsa- Tramo sa Pasay City.

Ayon kay SPO3 Ricky Murillo, mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide si Romeo Gastilo na minamaneho ang trailer truck na may plakang EVR 184.

Ayon kay Gastilo, galing siyang Batangas at papunta ng Caloocan nang mangyari ang aksidente.

Dun niya nakita ang motorsiklo na minamaneho ng biktima na si Johnny Raguindi, na sinusubukang i-overtake ang nasa harap nitong puting kotse habang binabaybay ang northbound lane ng naturang kalsada.

Nasagi umano si Raguindi ng naturang kotse kaya napatagilid ito.

Nakaramdam na lang umano si Gastilo na parang may nadaanan ito, at nung napahinto ay dun na niya nakita na nagulungan niya ang biktima.

Mariing itinanggi ni Gastilo na mabilis ang kanyang takbo at hindi niya umano kasalanan ang nangyari.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.