Halos 40, dinampot sa QC dahil sa curfew at pag-iinom sa kalye

Ron Lopez, ABS-CBN News

Posted at Oct 08 2017 07:45 AM

MANILA - Halos 40 katao ang dinampot ng pulisya matapos maaktuhang nag-iinuman sa mga pampublikong lugar sa Quezon City.

Ayon kay Senior Insp. Felipe Fermin Jr., hepe ng Drug Enforcement Unit ng QCPD Station 1, naaresto ang mga ito sa isinagawamg anti-criminality operation ng pulisya sa mga lugar ng La Loma tulad ng Brgy. Apolonio Samson, Sto. Domingo, Manresa, Balinggasa, at Caingin Bukid.

Kabilang sa mga dinampot ang apat na babae na kasama sa mga nag-iinuman at isang menor de edad na inaresto naman dahil sa paglabag sa curfew.

Ayon kay Fermin, isasailalim muna sa verification process ang mga dinampot upang malaman kung mayroon silang mga criminal record. Ang mga unang beses na inaresto dahil sa pag-inom ay pakakawalan upang mabigyan ng pagkakataon habang ikukulong na kung ikalawang beses na silang inaresto.

Paglabag naman ng curfew ang ikakaso sa mga magulang ng bata kung tatlong beses ng inaresto ang menor de edad.

Ginagawa aniya nila ito dahil madalas ang kaso ng mga sakitan o away tuwing weekend kung saan karamihan sa mga sangkot ay mga nakainom.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.