Suspek sa online business scam, arestado sa Camarines Sur

Rizza Mostar, ABS-CBN News

Posted at Oct 07 2017 07:31 PM

Arestado ang isang lalaki na pinaghihinalaang sangkot sa online business scam sa bayan ng Libmanan, Camarines Sur ngayong Biyernes.

Kinilala ang suspek bilang si Jason Ursua, 29, na inaresto ng Philippine National Police Regional Anti-Cybercrime Group.

Umabot sa P500,000 ang nakuha sa tatlong magkakapatid na biktimang mula pa sa Maynila.

Ayon sa kanila, na-engganyo sila sa mataas at mabilis na tubo ng puhunan sa inialok na online business ng suspek.

“Nu'ng naglagay na'ko ng P50,000 in 15 days, nag-pay out ako ng P35,000 so na-engganyo na'ko na maglagay ng malaki,” ani alyas Kyrie.

Pero hindi nagtagal nang pumalya na ito sa mga sumunod pang payout.

“Sabi niya dagdag ka po P50,000 para makuha mo P500,000, paglagay ko ng P50,000, nagkaproblema raw, tinakbo raw, eh siya lang kausap ko,” ani Kyrie.

“Savings kasi talaga iyon para sa future ng anak ko, sira kinabukasan ng mga anak ko magbi-birthday pa naman,” ani alyas Mae.

Pero ayon sa suspek, napag-utusan lamang siya.

“P500 ang bigay niya sa akin sa kada withdraw ng padala. Makikipagtulungan po ako,” ani Ursua.

Ayon sa pulisya, isang grupo ang nasa likod ng online business scam. Kasalukuyang inaalam ng mga awtoridad kung sino pa ang mga kasamahan ng suspek.

Nahaharap ang suspek sa kasong estafa kaugnay ng Cybercrime Prevention Act at posibleng makulong ng anim hanggang 20 taon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.