Reklamo ng OFW: Bahay na bayad na sa developer, di pa rin tapos maipatayo

ABS-CBN News

Posted at Oct 07 2017 08:19 PM

Nadismaya ang isang overseas Filipino worker (OFW) dahil hindi pa rin natatapos ang bahay niya at walang titulo na naipiprisinta ang developer bagaman higit limang taon niya na itong binabayaran. 

Kuwento ni alyas Noel, kapatid ng OFW na kasalukuyang nasa Qatar, ilang beses na silang nakiusap sa Raven Holdings and Land Development, Inc. na tapusin ang konstruksiyon ng kanilang bahay. 

Halos P3 milyon na rin ang naibayad ng pamilya sa nasabing developer para sa bahay na ipinangako sa loob ng isang subdivision sa Lipa City, Batangas.

Nagreklamo na sa Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB) sina Noel at sinabi na hindi rehistrado ang naturang developer para magbenta ng property.

Kinuha rin ng ‘Tapat Na Po’ ang panig ng Raven Holdings pero dahil ongoing umano ang negosasyon, mas minabuti nilang hindi na muna magsasalita para hindi anila makaapekto sa usapan.

Paalala naman ng HLURB, palaging siguruhing lehitimo ang developer at broker na mag-aalok ng bahay.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.