Palasyo, may paalala sa simbahan ukol sa pagkupkop sa mga bumalimbing na pulis

ABS-CBN News

Posted at Oct 07 2017 08:39 PM

Nagbigay ng paalala ang Palasyo na dapat mag-ingat ang simbahan sa pag-bibigay proteksyon sa mga pulis na magsisiwalat ng kanilang nalalaman sa di umano'y extrajudicial killings sa bansa. 

Maaari kasi umano silang magamit ng mga taong nais lamang sirain ang kampanya ng pamahalaan kontra droga na sa simbahan tatakbo para magpa-kanlong.

"We hope the church exercise due diligence as there are drug protectors, kidnappers, kotong and ninja cops who want to destroy the ongoing campaign against illegal drugs," pahayag ni China Jocson, Assistant to the Presidential Spokesperson

Nauna nang sinabi ng ilang opisyal ng simbahan na may mga pulis na lumapit sa kanila at humihingi ng kanlungan para magsiwalat ng mga anomalya sa kampanya laban sa droga. 

Ayon kay Bishop Emeritus Oscar Cruz, may mga pamamaraan naman sila para malaman kung ginagamit lang sila.

"Huwag silang mag-alala. Ang simbahan naman ay nalalaman ang kanilang ginagawa at matalinong natutukoy kung sino itong mga nais na tumakbo sa kanila para humingi ng kanlungan," ani Cruz.

Nag-komento din si Cruz sa pahayag ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano na ang mahigit 3,000 napatay sa "war on drugs" ay mga drug dealer.

"Ganun lang ba yun? Ang mura na ng buhay, wala nang pag-respeto at pagpapasailalim sa proseso," dagdag ni Cruz.

Ayon kay Cruz, kaisa ng simbahan ang administrasyon sa hangad na tapusin ang problema ng droga sa bansa.

Handa rin silang makipagtulungan pero sa paraang hindi malalabag ang karapatang pantao.
    

--Ulat ni Abner Mercado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.