Mga ‘persons of interest’ sa pagpatay sa magkasintahan, isasailalim sa DNA test

ABS-CBN News

Posted at Oct 07 2017 08:25 PM

Itinuturing nang “persons of interests” ang mga security guard na naka-duty sa lugar kung saan nangyari ang karumal-dumal na pagpatay sa magkasintahang estudyante sa Rodriguez, Rizal. 

Ayon sa Rodriguez, Rizal Police, kasama na rin sa pinaghihinalaan ang nakatagpo sa mga bangkay ng biktima, pati ang foreman na nakarinig umano ng pagsigaw ng babaeng biktima.

Dagdag pa ng mga awtoridad, nakatakdang magbigay ng salaysay sa pulisya at sumailalim sa swabbing ang mga security guard, pati na ang foreman para makuhanan ng DNA samples.

Natagpuang patay at nakagapos sa talahiban ang magkasintahang sina John Vincent Umiten at Charmaine Villarias noong Miyekoles, Oktubre 4.

Si Villarias, hinihinalang ginahasa pa. Pareho ring basag ang mukha ng mga biktima na halos hindi na makilala. 

Ang magkasintahan ay pareho ring estudyante ng Colegio de Montalban.

Ang nasabing paaralan, naging emosyonal sa pagkondena sa brutal na pagpatay sa dalawang nilang estudyante.

Naka-half mast ang bandila ng eskuwelahan at daan-daang estudyante ang nakasuot ng itim na t-shirt nang dumalo sa misang inalay para sa magkasintahang biktima.

“We are in a state of mourning and state of shock. We've been crying for justice but justice will never bring their lives back,” ayon sa president ng paaralan na si Enrico Quodala.

Hindi bukas sa media ang burol ni Umiten samantalang ililipad naman sa Mindanao ang labi ni Villarias. 


-- Ulat ni Dominic Almelor, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.