Mga labi ng sundalong nasawi sa Marawi sinalubong ng kaanak sa Davao

Madonna Timbal-Senajon, ABS-CBN News

Posted at Oct 07 2017 06:25 PM

Dumating na sa Davao City ang mga labi ni Corporal Gerald Aparte, na namatay kamakailan sa bakbakan sa Marawi City. Madonna Timbal-Senajon, ABS-CBN News

DAVAO CITY - Dumating dito pasado alas-dos ng hapon Sabado ang mga labi ng isang sundalong nasawi sa bakbakan sa Marawi City nitong Biyernes. 

Sakay ng isang eroplano ng Philippine Air Force ang mga labi ng Scout Ranger na si Corporal Gerald Aparte, na sinalubong ng asawang si Rowena, mga kaanak, at kasamahan sa Sandatahang Lakas.

Binigyan siya ng arrival honors ng mga kasamahan bilang pagpupugay sa kaniyang katapatan sa pagsisilbi sa bayan.

Nasawi si Aparte sa Marawi matapos mabaril ng isang sniper umaga ng Biyernes.

Ayon sa asawa ni Aparte, huli silang nagkita noong Setyembre nang maospital ito matapos tamaan ng bala sa siko. Muli itong sumabak sa labanan matapos gumaling ang sugat.

"Ingon siya hapit na daw siya makauli, basin sa December mahuman na giyud ang giyera pero wala... human... human gyud," aniya.

(Sabi niya malapit na daw siyang umuwi, baka December matapos na raw ang giyera pero wala... tapos... tapos natapos talaga.)

Walong taong nanilbihan si Aparte sa Scout Ranger Command ng Philippine Army.

Para kay Rowena, isang mapagmahal at maasikasong asawa si Aparte at isang mabuting ama sa kanilang anak. 

Ibuburol si Aparte sa kanilang bahay sa Barangay Indangan sa Davao City.

Isa si Aparte sa dalawang sundalong nasawi sa Marawi nitong mga nakaraang araw.

"Unfortunately, these past couple of days, we incurred two killed in action," ani Col. Romeo Brawner, deputy commander ng Joint Task Group Ranao, sa isang press briefing sa Marawi City Sabado ng umaga.

May 157 na sundalo na ang nasawi sa patuloy na labanan ng mga tropa ng pamahalaan at mga terorista sa Marawi City. 

Hindi bababa sa 770 terorista na ang nasawi sa bakbakan, na sumiklab noon pang Mayo 23.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.